Andrea Brillantes, masaya sa kinalabasan ng kanyang bagong renovate na kwarto

Isang major transformation ang naganap sa dating all-white na kwarto ng actress-vlogger na si Andrea Brillantes. Kamakailan ay pina-renovate ni Andrea ang kanyang kwarto sa design at construction firm na Mundo Build and Design.
Ibinahagi naman ng Mundo sa kanilang YouTube channel ang bagong renovate na kwarto ni Andrea.
Credit: Mundo Design + Build YouTube
Kapansin-pansin na malalim na sumasalamin sa masaya at makulay na pagkatao ni Andrea ang disenyo ng kanyang bagong kwarto.
Mahilig sa aesthetic design si Andrea kaya naman hindi na nakakagulat na vintage-inspired ang kabuuang tema ng kanyang kwarto.
Credit: Mundo Design + Build YouTube
Ramdam naman kaagad ang vintage vibe sa kwarto ni Andrea dahil sa lumang design materials na matatagpuan dito tulad ng mga lumang vinyl record, coca-cola tansan at neon lights.
Makikita rin sa isang bahagi ng kwarto ni Andrea ang isang wall design ng pinagtagpi-tagping posters ng mga sikat na classic film at maging mga poster ng sikat na artista ngayon.
Agaw-pansin din sa kwarto ni Andrea ang isang vintage snack bar. Matatagpuan sa snack bar area ng kwarto ni Andrea ang kanyang paboritong mini ref, coffee maker, popcorn maker, at cotton candy maker na matatandaang natanggap niya bilang mga regalo sa kanyang ika-18 kaarawan. Tuwang-tuwa naman si Andrea sa kanyang snack bar.
Credit: Mundo Design + Build YouTube
“Gustong-gusto ko talaga yung snack bar promise. As in ang saya-saya ko sa snack bar kung alam n’yo lang,” aniya.
Samantala, perfect namang tambayan ang lounge at entertainment area ng kwarto ni Andrea.
Maayos din na naka-display sa isang shelves ang pagmamay-aring collectible items ni Andrea.
Credit: Mundo Design + Build YouTube
Bukod dito, hindi maiwasan ni Andrea na matuwa lalo nang makita niyang maayos na nakalagay ang kanyang drum set sa music corner ng kanyang kwarto.
Ayon pa kay Andrea, “Ngayon na dahil nakita ko na naka-setup na siya nang maayos at meron ng space para sa kanya, mas ginanahan na akong magpa-lessons talaga.”
Credit: Mundo Design + Build YouTube
Excited na ring tumambay at maglaro si Andrea sa kanyang cozy computer area. Habang sa tabi lamang ng loft bed ni Andrea ay makikita ang kanyang “resting place” kung saan ay pwede siyang magpahinga o magmuni-muni.
Aminado naman si Andrea na wala sa kanyang personalidad ang pagiging minimalist dahilan kaya mas gusto niyang maraming bagay na makikita sa kanyang kwarto.
Aniya, “Kasi sinasabi ko lagi gusto kong madaming gamit, madaming bagay kasi mabilis akong magsawa.”
Credit: Mundo Design + Build YouTube
”Yung kwarto ko it’s not for everybody talaga. Kasi lalo na ngayon ang dami nang minimalist. Pero hindi kasi ako talaga ‘yun. Tinry ko pero hindi,” dagdag niya.
Sa huli, masasabi ni Andrea na perfect para sa kanya ang kanyang bagong kwarto.
Credit: Mundo Design + Build YouTube
Aniya, “Tuwang-tuwa ako…gustong-gusto ko talaga siya dahil at home ako. Kasi akong-ako siya. Ito talaga parang sakto para sa akin and natuwa ako kasi meron akong sala, meron akong dining, meron akong kitchen.”