Enchong Dee, nagbalik-tanaw sa kanyang masayang kabataan sa kanyang pag-uwi sa Naga City

Enchong Dee, nagbalik-tanaw sa kanyang masayang kabataan sa kanyang pag-uwi sa Naga City

Bago makilala sa industriya ng showbiz bilang isang mahusay na aktor, si Enchong Dee ay unang hinangaan ng marami dahil sa kanyang kahanga-hangang talento sa paglangoy.

Credit: Enchong Dee YouTube

Sa kanyang hometown sa Naga City sa probinsya ng Camarines Sur naman unang nangarap si Enchong bago siya pumunta ng Maynila para mag-aral at maging varsity swimmer ng De La Salle University.

Tunay na malayo na nga ang narating ni Enchong bilang isang atleta at artista. Gayunpaman, hindi ito naging dahilan para makalimutan niya ang kanyang pinagmulan.

Kamakailan, nagbalik-tanaw si Enchong sa kanyang kabataan matapos siyang umuwi sa Naga na ibinahagi niya sa kanyang YouTube channel.

Magkahalong lungkot at saya nga ang naramdaman ni Enchong nang isa-isa niyang binisita ang mga lugar na naging bahagi ng kanyang masayang kabataan.

Credit: Enchong Dee YouTube

Una na rito ang dati nilang tinitirhang bahay kung saan umano siya lumaki at nagkaisip. Ayon kay Enchong, ibang-iba na ang itsura ng dati nilang bahay ngayon at tanging ang garden na lamang ang naiwang palatandaan ng kanilang dating bahay.

Namasyal din si Enchong sa kanyang hometown kung saan nagtungo siya sa ilang tourist spots sa lugar tulad ng Panicuason Hot Spring. Binisita rin niya ang ilang simbahan na hindi niya malilimutan tulad na lamang ng simbahang madalas nilang binibisita tuwing Visita Iglesia. Pinuntahan din ni Enchong ang dati niyang paaralan kung saan siya nagtapos ng High School.

Credit: Enchong Dee YouTube

Pagkatapos namang mamasyal, sinubukan ni Enchong ang ilan sa mga pinakamasarap na pagkain ng Naga tulad ng Kinunot at Kinalasan.

At panghuli, ipinakita ni Enchong sa kanyang subscribers ang swimming pool kung saan siya nagti-training noong siya’y swimmer pa. Bahagi ni Enchong, maraming alaala ang nagbalik pagkatapos niyang makita ang swimming pool na ngayon ay mukha nang luma at tila hindi na ginagamit.

Sabi ni Enchong, “It’s a weird feeling. It’s a happy but a bit sad feeling na wala na siyang tubig (ang pool) but I’m here — a lot of things flashing back, a lot of childhood memories replaying in my mind right now. “

Giit niya, “Masaya pero how I wish it’s as healthy as before when I was still swimming here. It’s so surreal, nandito na ako ulit. I’m so happy. Dito nagsimula ang lahat, lahat ng pangarap.”

Credit: Enchong Dee YouTube

Sa kanyang pagbisita, dumalo rin si Enchong sa kasal ng kanyang childhood friend. Bukod dito, binilhan din ni Enchong ang kanyang Lolo ng bagong sofa bago siya bumalik ng Maynila.

Si Enchong ay isa sa mga premyadong aktor ng kanyang henerasyon. Matatandaang taong 2006 nang madiskubre si Enchong matapos siyang mapanood sa talk show na ‘Homeboy’. Di-nagtagal pagkatapos ng kanyang unang TV appearance, nabigyan ng showbiz break si Enchong at noong 2009 bumida siya sa Kapamilya teleserye na ‘Katorse’.

Ysha Red

error: Content is protected !!