Gelli de Belen at Ariel Rivera, tumayong assistants sa biko business ng mga anak sa Canada!

Wala namang ibang gusto ang mga magulang kung hindi ay makita ang kanilang mga anak na masaya at nagtatagumpay sa buhay kaya natural lamang na 100 percent ang suporta na ibinibigay nila. Parehong kilala sa mundo ng lokal na showbiz ang couple na si Gelli de Belen at Ariel Rivera.
Credit: @gellidebelen Instagram
Bagama’t marami naman tayong nasasaksihang anak ng mga celebrity na sumusunod sa yapak ng kanilang mga magulang, tila’y nakalaan naman sa ibang mga bagay ang puso ng dalawang anak ng mag-asawa na sina Julio at Joaquin na ngayon ay pareho nang binata. Pareho man na artista ang kanilang mga magulang, mas pinili naman ng dalawang binatang anak ni Gelli at Ariel na mas bigyan ng pansin ang kanilang pag-aaral sa York University sa Canada.
Malayo man sa isa’t isa, kaagad naman na naghihilom ang pangungulila ng kanilang Mommy Gelli sa tuwing bumibisita sila ng asawa dahil wala lang naman silang pinapalagpas na araw nang hindi nakakapag-bonding.
Nito lamang Hunyo, grumadweyt na sa kolehiyo ang panganay nilang anak na si Julio na masaya namang dinaluhan ng couple. Sa kanilang muling pagsasama bilang isang buong pamilya, kaliwa’t kanan ang kanilang bonding moments at isa na nga sa mga ito ay ang pagtulong nila ni Ariel sa itinayong biko business ng mga anak sa Mississauga, Ontario.
Credit: @gellidebelen Instagram
Bukod sa pag-aaral, negosyo rin ang pinagkakaabalahan ni Julio at Joaquin sa ibang bansa. Dala-dala ang Pinoy pride na biko at ginawang business, talagang pumatok ito sa Canada at ngayon ay patuloy na lumalago.
Of course, kaakibat ng pag-unlad ng isang negosyo ay ang pagiging busy kaya nag-volunteer na ang kanilang Mommy Gelli at Daddy Ariel na tumulong sa paggawa ng biko. Sobrang supportive sa business ng mga anak, todo naman sa pagpo-promote si Gelli at Ariel sa biko products ng “Lolo Ben’s Biko”.
Makikita sa kanyang Instagram account ang sandamakmak na larawan at videos ng mga biko sa orihinal at langka nitong flavor. Hindi naman maitatanggi na masarap at tiyak na nakakatakam ang mga ito base sa mga larawan pa lamang. Maliban kay Gelli, ipinakita rin ni Ariel sa kanyang followers ang sarili habang gumagawa ng biko.
Credit: @gellidebelen Instagram
“Helping make @lolobensbiko,” sulat niya sa caption.
Bilang mga magulang, masarap talaga sa pakiramdam kapag nakikita ang mga anak na nagsusumikap upang ma-achieve ang kanilang sariling tagumpay kaya talagang todo ang suporta na ibinibigay ni Gelli at Ariel sa mga anak upang mas mapaunlad pa ang kanilang biko business.
Parehong artista man sa Pilipinas, “assistants” naman sila ng mga anak sa negosyo nito sa Canada!