Hipon Girl na si Herlene Budol, nagtransform na bilang si Nicole para sa Binibining Pilipinas pageant

Simula nang kinumpirma ni Herlene “Hipon Girl” Budol na sasali siya sa Bininibing Pilipinas, talagang nakasentro ang atensyon ng publiko sa kanya kaya naman talagang all-out siya sa pagpapatunay sa kanyang kakayahan.
Credit: @herlene_budol Instagram
Kung tinatawag siya ng karamihan sa kanyang palayaw na “Herlene” at kilala sa mundo ng showbiz bilang si “Hipon Girl,” ngayon naman ay dala ni Herlene ang tunay niyang pangalan na “Nicole Budol” sa Binibining Pilipinas. Bagama’t sobrang dami naman ng kanyang pangalan, ayon naman sa kanya, siya pa rin ang masayahin at makwelang si Herlene “Hipon Girl” Budol.
“Mas more on makikita niyo si Nicole naman po kasi po ang tawag po sa’kin dati sa school ay Budol tapos sa amin po… palayaw ko po is Herlene tapos sa TV is Hipon. Ngayon si Nicole naman po dito sa pageant ng Binibining Pilipinas,” pahayag ni Herlene sa isang interview.
Credit: @herlene_budol Instagram
Hindi naman na bago pa sa kaalaman ng karamihan sa atin ang pinanggalingan ni Herlene at kung paano siya nakatungtong sa kasalukuyang estado ng kanyang buhay kaya naman may mensahe siya para sa mga taong pinagdududahan ang kanyang kakayahan at nais niyang patunayan na makabuluhan ang kanyang purpose sa pagsali sa Binibining Pilipinas.
“Para mas marami po akong maimpluwensyahan na maging role model po ako sa ibang tao kagaya po sa mga followers ko na naka-support lang po sa’kin na hangga’t may buhay, may pag-asa. Hindi porket galing ka sa ilalim, hinding-hindi ka na makakabangon,” aniya.
Credit: @herlene_budol Instagram
Upang mas mapabuti pa ang bawat performance at pasabog ni Herlene sa pageant, talagang importante para sa kanya ang mga taong masasandalan. Maliban sa kanyang pamilya, malalapit na mga kaibigan sa labas at loob ng showbiz, at fans ay may pinaghuhugatan din ng lakas si Herlene sa loob ng mismong pageant at ito ay ang kapwa niya contestant na si Anna Lakrini na ngayon ay isa niyang mabuting kaibigan.
Credit: @herlene_budol Instagram
Ayon kay Herlene, nagtutulungan sila ni Anna sa pag-iimprove sa paggamit ng wikang Filipino at English lalo na’t pareho silang hindi sanay. Pagkukuwento ni Herlene, kinakausap umano niya ang kaibigan sa Inglis at kinakausap naman siya ni Anna sa Tagalog kaya talagang mapapansin sa mga bagong interview ni Herlene ang improvement niya sa paggamit at pagsasalita ng English.
Credit: @herlene_budol Instagram
“Basta ang usapan po namin, Tagalog siya tapos ako po sa English,” sabi ni Herlene. “I told her when we see each other, she speak Tagalog then I will speak English.”
Dahil sa maayos na performance ni Herlene nasa loob o labas man ng pageant, inaasahan pa ng karamihan ngayon ang improvement at mga pasabog niya sa pageant.