Kiray Celis, tinupad ang kanyang ipinangakong motorsiklo para sa kapatid na nagtatrabaho sa construction

Kiray Celis, tinupad ang kanyang ipinangakong motorsiklo para sa kapatid na nagtatrabaho sa construction

Talagang walang pangako na napako si Kiray Celis dahil tinupad niya ang matagal nang hiling ng kapatid. Muli ay pinasaya ni Kiray ang netizens nang nagpamalas ulit ito ng kanyang kabutihang loob. Bagama’t isa naman ngayong sikat na personalidad sa industriya ng showbiz, hindi pa rin nakakalimutan ni Kiray na pahalagahan ang kanyang pamilya.

Credit: @kiraycelis Instagram

Bago siya makilala bilang isang aktres, isang mabuting anak at kapatid si Kiray. Maliban sa paghahatid ng good vibes at pagpapatawa sa fans, malaki rin ang pagsisikap ng aktres na mabigyan ng maginhawang buhay ang mga magulang at kapatid.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, nagtatrabaho bilang isang construction worker ang kapatid ni Kiray. Bilang pagbibigay-pugay sa pagkakaroon ng matiyagang kapatid, tinupad ni Kiray ang kanyang pangako na mabigyan ito ng motor.

Credit: Kiray Celis YouTube

Linggo, October 3 nang nagbahagi ng vlog si Kiray sa kanyang Youtube channel na pinamagatan niyang “SURPRESANG MOTOR PARA SA PINAKA MASIPAG AT POGI NA CONSTRUCTION WORKER” kung saan ay matutunghayan ang pagsurpresa ni Kiray sa kapatid.

“Ngayon, isu-surprise ko ‘yung kapatid ko ng pangarap niyang motor. Ilang taon na niya akong kinukulit dito. Ang tagal na niyang sinasabi sa’kin ‘to kaso nag-iipon pa ako para mabilhan ko siya ng motor,” pahayag ng aktres.

Ngayon na may sapat na ipon na, hindi nag-alinlangan si Kiray na tuparin ang pangako sa kapatid.

Dagdag pa ng aktres, “And this time, nagawa ko na ang pag-iipon kaya bibilhin ko siya ngayon tapos pupunta tayo kung saan nagtatrabaho ‘yung Kuya ko para makita niyo at ma-explain ko sa inyo mamaya kung gaano ka-deserve ng kapatid ko na mabilhan siya ng ganitong klase ng motor.”

Credit: Kiray Celis YouTube

Matapos mabili ang pangarap na motor ng kapatid, dumiretso si Kiray sa construction site na pinagtatrabahuan ng kanyang Kuya. Nang nalaman na may hinandang surpresa si Kiray para sa kanya, hindi napigilan nitong mapangiti at mapayakap sa bagong biling motor.

“Sobrang ganda. Grabe! Hindi ko in-expect ‘to na bibilhan ako ng kapatid ko,” pasasalamat ng kapatid ni Kiray.

“Charot! Hindi niya raw ine-expect. In-expect niya talaga iyan. Matigas mukha nito eh,” pagbibiro naman ni Kiray.

Credit: @kiraycelis Instagram

Maaalala nitong Hulyo, sa araw ng “Father’s Day” kung saan ay pinangakuan ni Kiray ng motor ang kapatid.

“Kuya, happy happy father’s day. P.S, pag may pera nako bibilhan na kita ng motor mo. Mahal na mahal kita! ❤️”

Makalipas ang ilang buwan, natupad na rin ni Kiray ang kanyang pangako sa kapatid dahilan kung bakit labis na lamang ang kasiyahang naramdaman nito.

Wala na ngang mas igaganda pa sa isang babae na mapagmahal sa pamilya at patunay dito si Kiray Celis.

Ysha Red

error: Content is protected !!