Kristine Hermosa at Oyo Sotto, ibinunyag na na-engage sa isa’t isa kahit hindi pa sila magkasintahan

Nahahanap din ang kasiyahan at forever sa hindi inaasahang mga pagkakataon at pinatunayan ito ng couple na si Kristine Hermosa at Oyo Sotto!
Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube
Alam mo ba na hindi planado ang pagpapakasal ni Oyo at Kristine sa isa’t-isa? Marahil ay marami ang nagkakaroon ng impression na padalos-dalos ang dalawa ngunit habang nagbabalik-tanaw sa kanilang desisyon, hindi mapigilan ng couple na humanga sa paraan ng tadhana.
Bago magpakasal, dumadaan muna sa pagiging magkasintahan ang dalawang tao ngunit tila’y nag-shortcut si Kristine at Oyo sa pagmamahalang hindi nila inaakalang tatagal sa napakahabang panahon.
Nagkasama sa “Enteng Kabisote” si Kristine at Oyo na siyang naging daan upang mas makilala nila ang isa’t-isa. Committed sa kani-kanilang relationship noon, talagang wala silang pagkakataon na tumingin pa sa iba ngunit nang inamin ng aktor na ‘pawala’ na ang relasyon niya sa dating girlfriend, doon na umano niya napapansin si Kristine hanggang nagkaroon siya ng feelings para sa aktres.
Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube
Focused sa sariling relationship, patuloy naman na ini-ignore ni Kristine ang advances at pagpapahiwatig ni Oyo kaya naman sa loob ng ilang taon, nanatili lamang silang magkaibigan na palaging present para sa isa’t-isa.
Nang nagkasama sa isang ‘bible study’ kung saan ay nagkaroon ng masinsinang usapan si Oyo at ang pastor na tinatawag niyang si Coach Robert, doon umano napagtanto ng aktor na gusto niyang i-level up ang relationship nila ni Kristine.
“Siya ‘yung nag-push sa akin na magpakasal, si Pastor Robert. So ako, gulong-gulo ako. Sabi ko, parang wala sa akin ‘yung kasal-kasal ‘nung mga time na ‘yun eh. Gusto ko steady lang ako. Walang label. Convenient sobra kasi lagi ko siyang nakakasama, lagi ko siyang kausap pero walang commitment,” kuwento ni Oyo.
Credit: @khsotto Instagram
Sa edad na 27, hindi kailanman naisip ni Oyo ang pagpapakasal lalo na’t napakarami pa niyang gustong gawing pelikula hanggang nagising na lamang siya na buong-buo na ang kanyang desisyon at nag-propose nga kay Kristine sa mismong kaarawan ng aktres.
“One day, it hit me. Hindi ko alam eh. Basta isang araw, nagising lang ako. Malapit na birthday niya ‘nun, parang may bumulong sa’kin, ‘Propose ka na,'” saad ni Oyo.
Pagkukuwento pa niya, “Lahat ng kaibigan naming nandu’n tsaka ‘yung mga pinsan ko ‘WAAAAA’ tapos ito (Kristine), umalis. Grabe, tumakbo sa likod.”
Matapos takbuhan ni Kristine si Oyo upang manalangin, bumalik umano siya upang ibigay ang matamis niyang ‘Oo’ sa aktor.
Credit: @khsotto Instagram
“As in, walang plano. Walang camera na naka-ready. Wala ngang may alam eh,” natatawang sabi ni Oyo.
Hindi man planado ang kanilang pagpapakasal, humantong naman sa ilang masasayang taong pagsasama ang desisyong pagpapakasal ni Kristine at Oyo.
Sadyang pinatunayan ng mag-asawang Kristine Hermosa at Oyo Sotto na dumarating talaga ang tamang tao sa panahong hindi natin lubos na inaasahan.
Cheers sa matagal na pagsasama, Kristine at Oyo!