Mga netizen, nagpaabot ng maraming tulong sa viral food delivery rider na sinasama ang kanyang anak habang nagtatrabaho

Viral ang kwento ng pagsisikap at katatagan ng isang amang nagtatrabaho bilang isang food delivery rider ngayong panahon ng p@ndemya.
Credit: Jeremiel Flores Quinto
Nakilala ng mga netizen ang delivery rider bilang si Hershey Manuel. Marami ang na-touch sa kwento ni Hershey na mula sa bayan ng San Pedro, Laguna matapos siyang makunan ng litrato na nagde-deliver ng pagkain kasama ang kanyang anak kahit gabi na.
Sa nasabing litrato makikita ang isang eksena na nagpaantig sa puso ng netizens. Pinapainom kasi ng gatas ni Hershey ang ilang buwang gulang pa lamang niyang anak na nakahiga sa masikip na basket ng kanyang lumang bisikleta. Walang motor si Hershey kaya naman nagsisilbing service niya para maihatid ang order ng kanyang mga customer ang kanyang bisikleta.
Credit: Jeremiel Flores Quinto
Tulad naman ng marami sa atin, kailangan din ni Hershey na magsumikap araw at gabi para matustusan ang kanyang pamilya.
Magkasamang itinataguyod ni Hershey at ng kanyang asawa ang kanilang anak. Pero dahil naghahanap-buhay rin ang asawa ni Hershey kaya wala umano siyang pagpipilian kundi isama ang kanilang anak habang siya ay nagde-deliver.
Credit: Hershey A Manuel Facebook
Samantala, matapos mag-viral ang kanyang larawan, nakatanggap ng maraming tulong si Hershey mula sa mga taong nalulungkot sa kanyang sitwasyon. Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na hindi mabuti para sa isang bata na mamalagi sa labas dahil na rin sa banta ng v!rus. Kaya hindi rin maiwasan ng marami na mag-alala sa kalagayan ng anak ni Hershey.
Dahil dito, kaya naman dumagsa ang tulong para sa kanilang mag-ama. Ilang gamit para sa bata tulad ng diapers at gatas ang natanggap ni Hershey mula sa iba’t ibang tao. Isang netizen naman na nagngangalang “Jawo Motovlog” ang ipinag-grocery si Hershey ng mga pagkain at iba pa nilang pangangailangan. Bukod dito, nakatanggap din si Hershey ng tulong na pera mula sa publiko.
Sa huli, labis ang pagpapasalamat ni Hershey sa mga netizen at lalong-lalo na sa Maykapal dahil sa mga biyayang natanggap ng kanyang pamilya.
Credit: Hershey A Manuel Facebook
“Maraming maraming salamat po sa lahat ng nagbigay po ng tulong samin ng anak ko. Pati po sa mga nagpadala sa gcash. Lahat po ng pera, gamit at pagkain na pinadala nyo ay malaking tulong po sa aming pamilya. Lubos po akong nagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng biyaya na natatanggap ko. Pagpalain po kayong lahat ng Panginoon,” mensahe ni Hershey sa isang Facebook post.