ReiNanay Manilyn Malupa, abot-langit ang pasasalamat sa “It’s Showtime” director na si John Prats matapos sagutin ang pag-aaral ng kanyang mga anak

ReiNanay Manilyn Malupa, abot-langit ang pasasalamat sa “It’s Showtime” director na si John Prats matapos sagutin ang pag-aaral ng kanyang mga anak

Inspirasyon para sa marami ang single mother na si Manilyn Malupa na kasalukuyang contestant ngayon ng “It’s Showtime” segment na “Reina ng Tahanan.”

Credit: ABS-CBN Entertainment YouTube

Mag-isa kasing itinataguyod ni Manilyn ang kanyang tatlong anak. Bago maging isang kasambahay si Manilyn, pangangalakal ng basura ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya. Bukod dito, nawalan din ng trabaho bilang kasambahay si Manilyn dahil sa p@ndemya.

At ayon sa ulat ng ABS-CBN News, mula nang mawalan ng trabaho bilang kasambahay, tanging pagbebenta lamang ng mga painting sa pamamagitan ng kanilang church community sa Antipolo City ang ipinambubuhay ni Manilyn sa kanyang mga anak.

Credit: ABS-CBN Entertainment YouTube

Malaking tulong nga para kay Manilyn ang pagsali niya sa “Reina ng Tahanan” dahil sa pamamagitan nito ay nagkaroon siya ng pagkakataon na ibahagi ang kanyang nakakaantig na kwento na paglaban sa buhay para sa kanyang mga anak.

Labis-labis naman ang tuwa at pasasalamat ni Manilyn para sa mga bumubuo ng “It’s Showtime” at maging sa mga taong bukas-palad na tumulong sa kanya.

Nito lamang July 22, naging emosyonal si Manilyn dahil sa pagbuhos ng tulong para sa kanya at sa kanyang mga anak mula sa mga host at maging sa direktor ng programa.

Credit: ABS-CBN Entertainment YouTube

Si Vice Ganda, na naantig sa mga sakripisyo ni Manilyn para sa kanyang pamilya, ay nagbigay ng mga produkto mula sa kanyang cosmetic company para ibenta ni Manilyn.

Ayon kay Vice, hindi niya papalampasin ang pagkakataon na matulungan si Manilyn. Maliban sa mga produkto ng Vice Cosmetics, nanawagan din ng cash donations si Vice mula sa mga manonood para kay Manilyn sa pamamagitan ng GCash app. At bukod sa pera, sinabi rin ni Vice na bibigyan niya ng bagong cellphone si Manilyn para may gagamitin na ang kanyang mga anak sa kanilang online school.

“Hindi ko rin kayang mapalampas ‘to. Kanina ko pa iniisip. Paano ko kaya mabibigyan ng tulong itong si Manilyn? Bibigyan kita ng mga produkto ng Vice Cosmetics. Ibenta mo,” ani Vice.

Dagdag niya, “Para hindi saktong pera ‘yung binigay ko sa’yo. Para masabi mong, ‘Hindi naman ako saktong binigyan ng pera ni Vice eh. Ako mismo ‘yung nagtrabaho nito. Kaya kinita ko.’ Bibigyan din kita ng konting pangkain.”

Credit: @johnprats Instagram

Isang masayang balita naman ang natanggap ni Manilyn mula sa direktor ng programa na si John Prats. Bilang tulong kasi para kay Manilyn, sagot na ni John ang pag-aaral ng mga anak nito sa online school.

Credit: @johnprats Instagram

Wala namang paglagyan ang kaligayahan ni Manilyn dahil sa pagbuhos ng tulong para sa kanya at sa kanyang mga anak.

Credit: @johnprats Instagram

Mensahe pa ni Manilyn, “Maraming, maraming salamat, direk. Malaking bagay iyon sa mga anak ko. Thank you din sa ‘It’s Showtime,’ sa staff. Maraming, maraming salamat po.”

Ysha Red

error: Content is protected !!