17-taong gulang na Pinay, pang-world class ang galing sa larangan ng computer programming!

Pang-world class ang galing ng isang 17 taong gulang na Pinay sa larangan ng computer programming o ‘coding’. Kinilala ang Pinay na ito na si Isabel Sieh ng Antipolo City na tinaguriang isa sa mga “7 Famous Computer Programmers Who Started Programming at an Early Age” ng website na Interesting Engineering.
Credit: Isabel Sieh Facebook
Ilan lamang ang mga nag-develop ng mga kilalang software tulad ni Mark Zuckerberg ng Facebook at Bill Gates ng Microsoft sa mga kasabayan ni Isabel sa listahan ng nasabing website na nailathala noong May 2020.
Lingid sa kaalaman ng lahat, ang coding ay ang wikang ginagamit sa pagbuo ng computer softwares, applications, at websites. Ginagamit din ang coding sa paggawa ng games na nilalaro natin sa mga computer at cellphone.
Si Isabel ay nagsimulang matuto ng coding sa murang edad. Sa kwento ni Isabel sa isang website, sinabi niyang 10 taong gulang siya nang mapansin ng kanyang guro ang kanyang interes sa Math. Sinabihan nga siya ng kanyang guro na subukan ang coding.
Hanggang sa naging interesado si Isabel sa coding, lalo na nang malaman niya kung ano ang kaya niyang gawin gamit ang coding.
Credit: Isabel Sieh Facebook
“At the time, I loved playing games on my phone, and I suddenly realized that I had the power to create those games that I loved.It was really cool for me to see all the things that I could do with coding,” pagbabahagi ni Isabel sa artikulong inilabas ng Grid noong March 2021.
At alam n’yo ba na natutunan lang ni Isabel ang basics ng coding online?
Ibinahagi ni Isabel sa nasabing artikulo na sa tulong ng website na Code Academy natutunan niya ang JavaScript, HTML o HyperText Markup, at CCC o Common Command, na itinuturing na pangunahing wikang ginagamit sa coding.
Samantala, naniniwala naman si Isabel na tulad ng wika, kung mas maagang natutunan ang coding, mas magiging matatas ang isang tao rito.
Credit: Isabel Sieh Facebook
Kaya tinuruan ni Isabel ang kapwa niya kabataang Pinoy kung paano mag-coding. Noong 2016, nagturo ng coding si Isabel sa napakaraming elementary students sa Antipolo City.
Binuo rin niya ang ‘coding club’ para sa mga Pinay teenager na “Girls Will Code” upang paliitin ang gender gap sa larangan ng information technology (IT), na kinilala naman ng nangungunang tech companies sa mundo tulad ng Google at Accenture.
Bukod dito, gamit ang kanyang talento at kaalaman sa coding, itinayo ni Isabel ang The Coding School katulong ang kanyang inang si Ronna. Kasama ang ilang guro, isa si Isabel sa mga personal na nagtuturo sa kanilang mga estudyante. Sa kasalukuyan, bukas pa rin ang coding school na itinatag ni Isabel.
Ngayon, kumukuha ng kursong computer science si Isabel sa Stanford University sa Amerika.