Bagong kasal na couple, piniling mamigay ng sibuyas bilang giveaway sa kanilang kasal!

Sa pangunguna ng couple na si Lorellei at Jayson Saplala, tila’y nakumbinse na ang karamihan na maging praktikal sa ipapamigay na souvenirs sa kanilang kasal dahil imbes na simpleng reminder sa kanilang special na araw ang ibahagi sa mga bisita, sibuyas lang naman ang naisip nilang gawing giveaways!
Sa tuwing may dinadaluhan tayong kasal, figurines o ‘di kaya’y keepsakes talaga ang madalas na ipinapamahagi sa lahat ng mga panauhin ngunit ibahin niyo ang couple na si Lorellei at Jayson Saplala dahil nagkaroon lang naman sila ng unique na ideya sa magiging giveaways nila sa kanilang kasal.
Hindi lamang kay Lorellei at Jayson naging memorable ang araw ng kanilang kasal na ginanap sa Aquila Crystal Palace sa Tagaytay nitong nakaraang Martes kundi ay pati na rin sa lahat ng kanilang mga bisita. Paano ba naman kasi, sibuyas lang naman ang naisip nilang ipamigay sa mga ito!
Sa mga larawang ibinahagi ng coordinator sa kanilang kasal na si Aldrik Gohel sa Facebook, makikitang personal na ipinamigay ni Lorellei at Jayson ang kanilang sibuyas giveaways sa kanilang mga panauhin. Sa brilliant at naiibang souvenir ng couple, hindi lamang naaliw ang netizens dahil marami rin ang natuwa sa pagiging practical nila lalo na ngayong sobrang mahal na ng presyo ng sibuyas.
Sa exclusive na panayam ng Balita Online sa bride na si Lorellei, ibinahagi niyang sagana sa kanila ang sibuyas dahil negosyo umano ito ng kanyang pamilya sa Ilocos Sur kaya kaagad nilang naisip na maganda ito gawing souvenir sa kanilang kasal lalo na’t hindi biro ang pagtaas ng presyo nito ngayon.
“Nakakatuwa at sobrang saya ng mga bisita sa sibuyas, at ‘yun kasing sibuyas ang madami kami kaya para makatipid, ginawa naming giveaways,” saad ni Lorellei.
Sa napapanahong souvenir ng couple sa kanilang kasal, sold-out talaga ito! Labis din itong ikinatuwa ng kanilang mga bisita kaya mas lalong naging special para kay Lorellei at Jayson ang araw ng kanilang wedding.