Dating estudyanteng delivery rider, Magna Cum Laude graduate na ngayon!

Wala talagang imposible para sa taong may pangarap at tunay na hindi balakid ang kahirapan upang maabot ito. Bagama’t marami man ang nawawalan ng tiwala ukol dito, may iilan naman na talagang isinapuso ang kasabihang ito at pinatunayan na hindi nakadepende sa yaman ng isang tao ang success kung hindi ay sa purong determinasyon katulad na lamang ni Francis Jan Ax Valerio na Magna Cum Laude graduate ngayon sa kursong Bachelor of Arts in Communication sa Adamson University, isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa Pilipinas.
Matatandaang taong 2020 nang unang nag-viral si Valerio nang kumalat ang kanyang picture nang pansamantala siyang tumigil sa gilid ng kalsada habang nasa kalagitnaan ng kanyang pagtatrabaho bilang delivery rider upang dumalo sa kanyang online class.
Sa parehong taon din siya nakatanggap ng laptop mula sa administrators ng kanyang pinapasukang university upang magamit niya sa kanyang pag-aaral. Makalipas ang dalawang taon, muli na naman niyang pinabilib ang netizens dahil sa kanyang achievement at ito ay ang pagtatapos niya sa kolehiyo bilang Magna Cum Laude!
Sa kabila ng kanyang struggles sa pagsasabay ng kanyang pag-aaral, trabaho, at pagsabak sa iba’t-ibang mga raket upang matustusan lamang ang kanyang pag-aaral, matagumpay pa rin na napasakamay ni Valerio ang matagal na niyang inaasam na diploma. Sa kanyang update sa Facebook, proud niyang ibinahagi ang kanyang nakakaantig na kuwento na talaga namang humaplos sa damdamin ng netizens.
Ayon kay Valerio, high school umano nang una siyang namulat sa kahirapan. Upang matustusan ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo, pinasok umano niya ang iba’t-ibang mga trabaho at isa na nga sa mga ito ay ang pagiging isang delivery rider. Pagkukuwento pa niya, hindi umano naging madali ang lahat. Umaraw man o umulan, puyat at pagod man ay talagang hindi sumusuko si Valerio kaya nang nalaman niyang ga-graduate siya bilang Magna Cum Laude, halos hindi niya mapangalanan ang kasiyahan na nararamdaman.
“Hindi naging madali ang lahat. Magdeliver umaraw man o umulan, mapuyat sa gabi para pumasok sa isa pang trabaho, sabay na din dun ‘yung pag-gawa ng mga school works. Kaya ‘nung nalaman kong ga-graduate ako ng may latin honor eh hindi ko talaga napigilang umiyak dahil alam kong naging sulit lahat,” kuwento ni Valerio.
Dahil sa perseverance ni Valerio, natupad niya ang kanyang pangarap na makapagtapos sa kolehiyo plus latin honor pa! Delivery rider noon, graduate na sa kolehiyo ngayon!