Estudyante na nakatanggap ng “President’s Scholarship” sa Bentley University sa Amerika, nagpasalamat sa mga tumulong sa kanya

Taos-puso ang pasasalamat ng estudyanteng si Marco Jones Caniedo Sagun sa mga taong tumulong sa kanya na makalikom ng pondo para kumpirmahin ang kanyang admission sa isa sa pinakamaganda at prestihiyosong paaralan sa Amerika na Bentley University.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Si Marco na anak ng isang mangingisda at isang fish vendor, ay isang outstanding student mula sa Bolinao Pangasinan. Nagtapos siya ng Senior High School bilang isang honor student sa Philippine Science High School- Ilocos Region campus.
At noong nakaraang Nobyembre 12, sinubukan ni Marco na mag-apply sa pamamagitan ng online application sa nasabing unibersidad kung saan plano niyang kumuha ng kursong Actuarial Science. Sa kabutihang palad at dahil sa kanyang magandang academic records, kaya isa si Marco sa mga top student na natanggap sa unibersidad.
Bukod sa simpleng college admission, makakatanggap din si Marco ng scholarship sa ilalim ng “President’s Scholarship” program ng unibersidad. Ngunit hindi madali para kay Marco ang daan para siya ay maging opisyal na estudyante sa unibersidad.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Bago kasi ma-secure ni Marco ang kanyang spot sa Bentley para sa darating na Fall 2022 academic year ngayong Hunyo, kailangan muna niyang makalikom ng pondo na nagkakahalaga ng $1000 o humigit-kumulang 50,000 piso. Kalahati ng pondo ay nakalaan sa enrollment ni Marco habang ang natitira naman ay para sa kanyang housing o dormitory deposit.
Dahil sa laki ng kailangan niyang pondo, kaya naman nanawagan si Marco ng tulong sa mga tao sa social media.
Malaki nga ang pasasalamat ni Marco sa mga taong bukas-palad na tulungan siya dahil matapos lamang niyang manawagan ng tulong sa Facebook ay nagawa niyang makalikom ng sapat na pondo para makumpirma ang kanyang college admission sa unibersidad.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Aminado naman si Marco na hindi rito nagtatapos ang kanyang laban para makapag-aral sa naturang unibersidad. Gayunpaman, gagawin umano niya ang lahat ng kanyang makakaya upang masustentuhan ang kanyang pag-aaral.
Credit: Marco Caniedo Sagun Facebook
Isa sa mga naiisip na paraan ni Marco para kahit papaano ay masuportahan ang kanyang pag-aaral ay pumasok bilang isang working student. Kung iisipin, mahirap na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho, ngunit para kay Marco walang mahirap basta’t para sa ating mga pangarap.
Sa huli, sinabi naman ni Marco na patuloy siyang magbibigay ng updates tungkol sa kanyang application status sa unibersidad.