Isang Pari sa Batangas kinaaliwan dahil sa kanyang rebelasyon sa araw ng kasal ng kanyang dating kasintahan

Hindi ako sisigaw ng, “Itigil ang kasal.”
Credit: Fr. Roniel El Haciendero YouTube
Ito ang iginiit ng isang Pari nang magbigay siya ng homily sa mismong kasal ng kanyang dating kasintahan.
Labis man ang kabang kanyang nararamdaman, naigapang ng nasabing Pari mula sa Batangas ang pagsasalita niya sa araw ng kasal ng kanyang dating kasintahan.
Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang YouTube vlog ni Fr. Roniel El Haciendero kung saan ibinahagi niya ang pagsasalita niya sa kasal ng kanyang dating kasintahan na si Korina sa nobyo nitong si Manuel.
Sa kanyang vlog na mayroon ngayong libu-libong views, mapapanood ang masayang pagkikitang muli nina Fr. Roniel at Korina sa araw ng kasal ng huli.
Credit: Fr. Roniel El Haciendero YouTube
Sa umpisa ng vlog, kinausap muna ni Fr. Roniel si Korina na nasa loob ng kanyang bridal car. Ayon sa kanya, siya ay kinakabahan sa mga sasabihin ni Fr. Roniel kapag magbibigay na ito ng homily.
“Kinakabahan ako sa homily mo, baka ilaglag mo ‘ko!” ani Korina.
Tanong naman ni Fr. Roniel kay Korina, “Ano ang nararamdaman mo? Sigurado ka na ba diyan?”
Sinabi naman ni Korina na sigurado na siya sa kanyang desisyon na magpakasal.
Credit: Fr. Roniel El Haciendero YouTube
Kwelang tanong naman ni Fr. Roniel kay Korina bago ito ikasal, “Ano’ng meron kay Manuel na wala ako?”
Giit naman ni Korina, napakabait at mahal na mahal siya ni Manuel.
Samantala, marami ang nabigla nang ibunyag ni Fr. Roniel habang siya ay nagbibigay ng homily na dating kasintahan niya si Korina. Natawa naman ang marami nang aminin ni Fr. Roniel na sa dami ng kanyang naikasal ay sa kasal lamang siya nina Korina at Manuel labis na kinabahan.
“Ang dami ko na hong ikinasal, pero ito po ‘yung ako’y nanginginig at pawis na pawis na. Ako’y kinakabahan,” saad pa niya.
Credit: Fr. Roniel El Haciendero YouTube
Sa kabila naman ng ‘past’ nila ni Korina, malinaw na sinabi ni Fr. Roniel na hinding-hindi siya sisigaw ng ‘Itigil ang kasal!’
Binigyang-diin din niyang, “past is past” at masaya siya sa kanya-kanyang buhay na tinahak nila ni Korina.
Tinapos naman ni Fr. Roniel ang kanyang homily sa pamamagitan ng isang hiling at ito ay magkaroon ng masayang pagsasama sina Korina at ang mister nito. Tunay na kapupulutan ng maraming aral at inspirasyon ang kwento nina Fr. Roniel at Korina. Hindi man kasi sila ang nagkatuluyan sa huli, nahanap naman nila ang kanilang kasiyahan sa kanya-kanyang landas na kanilang tinahak sa buhay.