Pinay mula sa Ilocos Norte, magtatapos na may ‘highest honors’ sa isang prestihiyosong unibersidad sa UK!

Muling pinatunayan ng isang Pilipinong estudyante na ang mga Pilipino ay matalino at kayang makipagkumpitensya sa iba pang nasyonalidad sa larangan ng akademiko.
Credit: @abrenian.com Facebook
Siya si Ellaine Joy Calapao Sanidad, na hindi lang magtatapos sa University of Oxford sa United Kingdom kundi tatanggap din siya ng pinakamataas na karangalan mula sa unibersidad.
Itinuturing na isang pribilehiyo ang makapasok sa University of Oxford, na itinuturing na isa sa mga pinakaprestihiyosong unibersidad sa mundo.
Halos pangarap nga ng maraming estudyante ang makapag-aral sa nasabing unibersidad, at kabilang dito ang mga Pinoy scholars. At isa sa mga mapapalad na Pilipinong estudyante na nabigyan ng pagkakataong makapag-aral sa Oxford ay si Ellaine na isang graduate student mula sa Ilocos Norte.
Lingid sa kaalaman ng marami, sa sistema ng edukasyon sa United Kingdom, ang pagtanggap ng “highest honors distinction” ay katumbas ng pagiging Summa Cum Laude dito sa Pilipinas.
Credit: @abrenian.com Facebook
Nakatakdang tatanggapin ni Ellaine ang kanyang Master’s Degree diploma sa ilalim ng Master of Studies in Diplomatic Studies program sa Oxford sa darating na Marso 12, 2022.
Gayunpaman, natanggap niya ang magandang balita noon lamang nakaraang Disyembre 2.
Si Ellaine ay talagang isang matalino at outstanding student. Bago mag-aral sa Oxford, nakuha niya muna ang kanyang college degree na Bachelor of Arts in Communication Arts sa University of the Philippines-Los Baños kung saan siya nagtapos ng Magna Cum Laude noong 2010.
Kalaunan, nakuha naman ni Ellaine ang kanyang Master’s Degree in Speech Communication sa University of the Philippines-Diliman. Noong nakaraang 2020, sa wakas ay natupad ni Ellaine ang kanyang pangarap na makapag-aral sa Oxford nang matanggap siya bilang isa sa mga iskolar sa ilalim ng Chevening Scholarship.
Credit: @abrenian.com Facebook
Ngunit ayon kay Ellaine, ang kanyang pag-aaral sa Oxford ay hindi naging madali. Tulad ng sinabi niya sa isang panayam sa Interaksyon, ang kanyang pisikal na kalusugan ay nagdusa nang husto mula umano sa maraming, “restless days in the university, barely sleeping and eating anything at all due to dealing with all kinds of pressure studying in Oxford.”
Nakaranas din umano siya ng matinding pangungulila sa kanyang pamilya habang nag-aaral sa UK.
Ayon naman kay Ellaine, pagkatapos ng kanyang Oxford journey ay balak niyang magpahinga, ibalik ang lakas ng kanyang katawan at makasama ang kanyang pamilya dito sa Pilipinas.