Professor sa Samar State University na naging instant babysitter sa anak ng kanyang estudyante, binihag ang puso ng netizens!

May mga pagkakataon sa buhay na lagpas pa sa scope ng ating trabaho ang kinakailangan nating gawin sa certain na mga sitwasyon at ito mismo ang ipinakita ng isang professor sa Samar State University nang boluntaryo niyang inalagaan ang anak ng isa sa kanyang mga estudyante habang nasa kalagitnaan ng kanilang klase.
For sure, maraming beses na nating narinig na ikalawa nating mga magulang ating mga guro pero ano nga ba ang tunay na ibig sabihin nito?
Marahil ay marami sa atin ang naniniwalang tanging academic-related lamang ang kayang ituro nila sa kanilang mga estudyante pero lingid sa kaalaman ng karamihan, nakikiramdam din sila at nagpapaabot ng tulong sa abot ng kanilang makakaya katulad na lamang ni Professor Andres Sequito na imbes na pabayaan ang isa sa kanyang mga estudyante na ma-distract sa presence ng anak nito habang abala sa pagsagot sa exam, pinili niyang magmagandang-loob at nag-volunteer na maging babysitter at pinagsabihan ang ina ng bata na mag-focus na lamang muna sa ginagawa.
Matatandaan nito lamang ang pag-viral ng isang heartwrenching na video sa Tiktok at Facebook kung saan ay masasaksihan ang heartfelt na moment ni Professor Sequito habang karga-karga ang anak ng kanyang estudyante. Ayon sa uploader na si Ezza Fatima Leonor Permaci, buong puso umano na nagmagandang-loob si Professor Sequito dahil gusto niyang makapag-focus ang ina ng bata sa test.
“Nag dala po kasi yung classmate ko ng baby niya dahil wala daw po mag babantay. At nakita po ito ni sir ko, nagmagandang loob po siya na pansamantalang kargahin si baby para maka pag focus yung kaklase ko sa assessment test namin,” pahayag ni Permaci sa isang panayam.
Sa ginawang ito ni Professor Sequito, hindi lamang niya simpleng tinulungan ang ina ng bata na makapag-focus sa klase at sa test dahil nagsilbi rin siyang inspirasyon para sa kapwa niya mga guro na huwag lamang basta-bastang nagtuturo kundi ay gampanan din ang kanilang role bilang ikalawang mga magulang sa kanilang mga estudyante.
Dahil dito, labis siyang pinuri ng netizens dahil sa pagiging maganda at mabuti niyang example bilang isang pambihirang guro. Sa ngayon, kasalukuyan nang humahakot ng 8 milyong views ang nasabing video sa Tiktok at patuloy na pinipiga sa tuwa ang puso nating lahat.